Isa ang patay, habang dalawa naman ang malubhang nasugatan nang magsagupaan ang dalawang grupo ng kalalakihan na nagsimula sa pangungulit umano sa ‘tagay’ ng nasawi sa isa sa mga suspect, kamakalawa ng gabi sa Makati City.
Hindi na umabot pa ng buhay sa Ospital ng Makati ang biktimang si Marlon Gabuhan, 24, ng Block 255 Lot 31, General St., Emerald Compound, Brgy. Pembo ng nabanggit na lungsod bunga ng mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito, habang kritikal naman ang kapitbahay at kainuman nitong si Arnold Calde, 24, miyembro ng Philippine Army.
Sugatan din sa insidente ang isa sa kanilang nakasagupa na si Virgilio Matubis na may tama rin ng saksak sa katawan, habang kasalukuyan namang tinutugis ng pulisya ang kapatid nitong si Chris, mga kasamahang sina Serafin Cantor at Bernie Canuto na pawang naninirahan din sa Emerald Compound ng Brgy Pembo.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, kasalukuyang nag-iinuman ang grupo nina Gabuhan at Calde sa tapat ng kanilang bahay dakong alas-9 ng gabi nang mapadaan si Chris Matubis at inalok ng tagay ng nasawi.
Tumanggi umano si Matubis subalit kinulit siya at pinilit ng nasawi na tumagay ng alak hanggang sa magkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng mga ito.
Umuwi umano si Matubis at nagsumbong sa kanyang kapatid at kabarkada at nang muling bumalik ang mga ito ay agad nilang niresbakan ang dalawa gamit ang mga patalim.
Hindi naman nagpasindak sina Gabuhan sa mga lumusob na suspect at lumaban din ng sabayan ang mga ito hanggang sa magkaroon ng umaatikabong bakbakan na nagresulta naman sa pagkasawi ng una at malubhang pagkasugat nina Calde at Matubis. (Rose Tamayo-Tesoro)