Bala ang ipinamasko ng isang pulis sa matagal na nitong kaalitan kamakalawa ng gabi sa Quezon City. Ginagamot ngayon sa East Avenue Medical Center (EAMC) ang biktimang si Louie Makinag, 20, estudyante at residente ng Mapagbigay St. Brgy. Pinyahan sa nasabing lungsod.
Nakilala naman ang suspect na parak na si Johanes Frias miyembro raw ng Philippine National Police-Special Action Force(PNP-SAF) na agad na tumakas matapos isagawa ang krimen.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD) Station 10 naganap ang insidente alas-10:30 ng gabi sa may Matapang St. sa nasabing barangay na doon nagkita umano ang dalawa at naungkat ang matagal na nilang alitan. Dito agad na binunot ng suspek ang kanyang cal.45 at pinaulanan ng bala ng baril ang biktima. (Angie dela Cruz)