Nagmistulang “sanggol sa belen” ang nailigtas na bagong panganak na sanggol na basta na lamang iniwan ng mga magulang nito sa isang kalsada sa Quezon City kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-4 kamakalawa ng hapon nang mamataan ni Elena Sombilla ng Brgy. Pasong Tamo ang bagong panganak na sanggol na lalaki na nakalagay sa kahon ng de-lata at basta na lamang umanong iniwan ng isang babae sa bangketa ng Pasong Tamo St. sa naturang lungsod.
Agad namang ipinagbigay alam sa pulisya ang natagpuang sanggol ni Sombilla at napag-alaman na wala pang isang oras nang abandonahin ito ng ina sa nasabing lugar. Ayon pa kay Sombilla nakalawit pa ang pusod ng sanggol, may bahid pa ng dugo ang katawan ngunit buhay na buhay at umiiyak pa.
Ibinigay ng pulisya ang sanggol sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at inilipat ang pangangalaga sa Quezon City General Hospital na ngayon ay inoobserbahan ng mga doktor. (Danilo Garcia)