Bunsod umano ng sobrang pananabik, hindi na makukuhang magdiwang ng Kapaskuhan ng isang 74-anyos na lola makaraang atakihin ito sa puso na kanyang ikinamatay habang nakikipagtalik umano sa hindi nakilalang lalaki sa loob ng isang Lodging Inn sa Sta. Cruz, Maynila.
Nakilala ang nasawi na si Fely Mallari, 74, hindi nabatid ang tirahan, nakaputing damit na may nakasulat na “Boysen”, nakasuot ng pulang short pants at violet na sandals at walang saplot na pang-itaas nang matagpuan.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ni Det. Jay Santos ng Manila Police District (MPD) homicide section, nadiskubre ang hubad na katawan ng biktima dakong ala-1:45 ng madaling-araw sa loob ng Room 104, Dragon’s Den Lodging Inn sa 632 Trinidad St. Sta. Cruz.
Ang biktima at ang hindi nakikilalang lalaki ay nag-check-in umano sa nabanggit na motel dakong alas-11:30 ng gabi.
Ilang oras umano ang nakaraan ay kinatok na ng roomboy ang pinto ng kuwarto ng biktima upang ipaalam sa mga ito na tapos na ang kanilang oras.
Bunsod nito’y naglakas loob ang roomboy na buksan ang pinto at laking gulat na lamang nito nang makita ang biktimang nakahiga sa kama at patay na. Naging palaisipan sa pulisya ang naturang insidente dahil walang nakakitang lumabas sa nabanggit na lugar ang lalaking kasama ng biktima sa loob ng kuwarto.
Nabatid na magdiriwang din sana ng kanyang ika-75 na kaarawan ang biktima ngayong Pasko kaya’t napagdesisyunan umano nito na ipagdiwang kasama ang kanyang hindi nakilalang nobyo sa lodging inn.
Ang labi ng biktima ay dinala naman sa Popular Funeral Parlor para sa awtopsiya nito kung may naganap na foul play.