Dahil sa pagnanais na makahabol sa bisperas ng Pasko kahapon, daan-daang pasahero ang halos sabay-sabay na nagdagsaan sanhi upang ma-stranded at mahirapang makasakay ng eroplano sa Ninoy Aquino International Airport at Manila Domestic Airport pauwi lalo na sa kani-kanilang probinsya at sa ibang bansa.
Ang naturang pagdagsa at kabiguan ng karamihang pasahero na makasakay ay dahil sa karamihan ng mga flight lalo na sa mga lalawigan sa Manila Domestic terminal ay fully book na.
Ang mga naunang nakakuha ng plane ticket mula sa mga flight kahapon ay mga nagpa-reserve na sa mga airlines patungo sa kani-kanilang destinasyon sa iba’t ibang panig ng bansa. Bukod dito, ilang international flights ang naapektuhan sa biglang pagdagsa ng pasahero kung saan walang magawa ang mga pasahero kundi mag-antay ng susunod na flights.
Kamakalawa ay iniulat na maraming OFWs na mga bakasyunista at nagnanais na makapiling ang kanilang mahal sa buhay dito sa Pilipinas ngayong Pasko ang nagdagsaan at na-stranded din sa Hong Kong airport terminal. Nakipagsapalaran na lamang ang mga Pinoy doon na mag-antay ng panibagong flights o mag-chance passenger sa ibang naka-reserbang flights para sa ibang Pinoy na pauwi sa bansa. (Ellen Fernando)