Bading todas sa parak

Nabaril at napatay ng isang pulis-Maynila ang isang mandurukot na bakla matapos na tangkain ng huli na agawin ang baril ng una sa loob ng police station sa Sta Cruz, Maynila kamakalawa ng gabi.

Nakilala lamang ang na­sawing biktima na alyas “Apple Bakla”, may edad sa pagitan ng 30-35 anyos, may taas na 5’4’’ hanggang 5’5’’, matangos ang ilong, nakasuot ng maong short pants. Patay na ito ng idating sa Jose Reyes Memorial Medical Center dahil sa tama ng bala sa katawan.

Habang ang itinuturo naman na bumaril ay si PO2 Exequiel Arevalo, nakatalaga sa Manila Police District (MPD)-Station 3 (Quezon Blvd., Sta Cruz, Manila).

Sa report ni Det. Joseph Kabigting ng MPD-Station 3, dakong alas-5:30 ng hapon ng naganap ang insidente sa loob ng MPD-Station 3 sa Quezon Blvd., Sta Cruz, Manila. Na­una dito, inimbitahan ang bik­tima sa loob ng police station dahil sa reklamo ng isang Elisa Arcega at anak nito na dinukutan nito sa loob ng Manila City Jail (MCJ).

Nang kapkapan ni Arevalo si Apple Bakla ay narekober sa katawan nito ang dalawang pirasong US$20 at apat na pirasong P100 na kinilala ni Arcega na pag-aari niya.

Habang dinadala ni Arevalo si Apple Bakla sa loob ng investigation room ay bigla umanong tinangkang agawin ng huli ang baril ng una.

Nag-agawan ang dalawa dahilan upang aksidenteng makalabit ng pulis ang gatilyo at tina­maan ang bakla. (Grace dela Cruz)

Show comments