Isang illegal recruiter ang naaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos gawin nitong prostitute ang mga Pilipinang nagtutungo sa Malaysia sa isinagawang entrapment operation.
Kinilala ni NBI Director Nestor Mantaring ang naarestong suspek na si Evangeline Cruz Manapsal, alyas “Gemma”, 37-anyos at residente ng 57 Balingasa St., Balintawak,QC.
Kasamang naaresto ni Manapsal ang kapatid nitong si Arlene Lucio na siyang sumusundo ng mga inihahatid na Pilipina sa Malaysia at siyang contact sa naturang bansa.
Samantala, tinutugis naman ng mga ahente ng NBI Anti-Human Trafficking Division (AHTRAD) ang tatlo pang suspek na may alyas na “Achung”, “Tommy” at “Atchuan” na kapwa residente ng Malaysia pero pabalik-balik sa bansa.
Nalaman sa reklamo ni Rachel Macaranas ni-recruit umano siya ni Manapsal para magtrabaho bilang entertainer sa Malaysia at makakatanggap umano siya ng sahod na P4,500 hanggang P6,500 kada araw na kita.
Si Manapsal umano ang nag-ayos ng mga travel document ni Macaranas at makalipas ang anim na buwan ay ipinabatid sa kanya ni Manapsal na sa Disyembre 14 na ang kanyang alis patungong Malaysia.
Gayunman, hindi natuloy ang pagbiyahe ni Macaranas sa Malaysia matapos dumating ang kanyang kapatid na ni-recruit din ni Manapsal noong nakalipas na taon para magtrabaho sa Malaysia kung saan sinabi nito na siya ay ginawang sex slave at nakatakas lamang siya kasama ang ilan pang ni-recruit.
Kaagad ipinaalam ni Macaranas sa NBI ang nangyari sa kanyang kapatid na nagplano ng isang entrapment operation at naaresto ang suspek.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa RA9208 (Anti-trafficking person ACT), paglabag sa RA8042 migration act at estafa ang mga suspek.