Nagpakalat pa ng karagdagang 325 tauhan ng pulisya at mga sundalo ang pamahalaan sa Metro Manila upang mas tiyakin pa ang seguridad ng publiko laban sa mga kriminal sa pagsapit ng kasagsagan ng Kapaskuhan.
Sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, Director Geary Barias na nakipag-ugnayan na rin siya kay Maj. Gen. Fernando Mesa ng Armed Forces of the Philippines-National Capital Region Command upang ipalabas ang kanilang tauhan para tumulong sa seguridad.
Ikakalat ang naturang mga pulis at sundalo sa tinaguriang mga “crime zones” sa Metro Manila at mga kritikal na establisimiyento tulad ng Light Rail Transit line 1 at 2, Metro Rail Transit, mga malls, bus terminals at iba pa.
Una nang nagtaas ng kanilang seguridad ang pulisya nitong nakaraang Linggo partikular na sa mga bisinidad ng mga simbahan sa pag-uumpisa ng tradisyunal na Simbang Gabi.
Sa rekord ng pulisya, maraming rambol at iba pang krimen ang nagaganap kapag may misa ng madaling araw dahil sa pagtatagpo ng magkakalabang gangster ng mga kabataan.
Nagbabala rin ang pulisya sa publiko sa operasyong isasagawa laban sa mga ipinagbabawal na uri ng malalakas na paputok at mga smuggled na imported na paputok na karaniwang galing sa Tsina ngayong papalapit naman ang Bagong Taon. Dagdag pa dito ang nagsusulputang mga uso tulad ng tinatawag na ‘boga’.