Patay ang isang hinihinalang holdaper makaraang makipagbarilan sa mga kagawad ng pulisya sa isang habulan kamakalawa sa Novaliches, Quezon City.
Patuloy na inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan sa nasawi na inilarawan na nasa pagitan ng edad na 25-30 anyos, may taas na 5’5’’, katamtaman ang katawan, nakasuot ng jacket na itim, maong na pantalon at puting t-shirt.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Station 4, naganap ang barilan dakong alas-11 kamakalawa ng gabi sa gilid ng Nova Mall sa Novaliches, ng naturang lungsod.
Nabatid na unang hinoldap ng suspek ang biktimang si Jason Ramos, ng #256 Gen. Luis St., Novaliches habang naglalakad ito sa kabayanan. Hindi na nakapalag ang biktima nang tutukan siya ng suspek ng kalibre .38 baril at tangayin ang lahat ng kanyang dalang gamit at pera.
Agad namang iniulat ni Ramos ang insidente sa istasyon ng pulisya na mabilis na rumesponde sa lugar. Nabatid naman na sa halip na magtago na, tila hindi pa kuntento ang suspek sa kanyang natangay sa biktima at tumambay pa ito sa harap ng mall upang mag-abang muli ng mabibiktima.
Dito ito namataan ng mga pulis kung saan isang habulan ang naganap. Ayon sa pulisya, nakorner nila ang suspek sa Buenaflor Subdivision kung saan una umanong nagpaputok ang suspek kaya napilitan silang gumanti sanhi upang tamaan ito sa katawan na nagdulot ng kanyang kamatayan. (Danilo Garcia)