Inaresto ng mga operatiba ng PNP-CIDG ang isang coaching staff ng Philippine team sa katatapos na Southeast Asian Games (SEAG) dahil sa kasong illegal recruitment sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nang dumating ito sa bansa mula Thailand.
Nagulat si Eduardo Paguia Ponce, 62, nang salubungin at arestuhin ng mga tauhan ng CIDG sa pakikipag-koordinasyon sa Airport Police Department paglapag lamang nito sa NAIA Centennial terminal 2 sakay ng Philippine Airlines flight PR-731 mula Bangkok.
Dinakip si Ponce sa bisa ng warrant of arrest dahil sa kasong illegal recruitment. Kinukumpirma pa ng awtoridad kung si Ponce ay miyembro ng coaching staff ng Philippine team. Isang Atty. John Rio Bautista, miyembro ng isang task force ng Philippine Overseas and Employment Administration, ang nakipag-ugnayan naman sa Bureau of Immigration para sa pagkakilanlan ng suspect.
Upang mapadali ang pagsisilbi ng warrant kay Ponce, ilang airport police ang pinaposte sa lugar ng arrival/immigration area para sa pagko-cordon sa nasabing lugar.
Dakong alas-6:14 ng hapon nitong Sabado mabilis na inisa-isa ng mga awtoridad ang mga pasaherong pumipila sa immigration area hanggang sa mamataan at makilala ng isang immigration officer ang suspect matapos na iabot ang pasaporte nito para sa beripikasyon at arrival clearance. (Ellen Fernando)