Nakatakdang magsampa ng kasong kriminal ang Philippine National Police (PNP) laban sa lahat ng taong responsable sa madugong pagsabog sa Glorietta 2 mall sa Makati City noong Oktubre 19 na ikinasawi ng 11 katao, habang mahigit pa sa 100 ang nasugatan.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Geary Barias ang kaso ay isasampa nila sa Department of Justice (DOJ) sa loob ng linggong ito. Ito’y matapos na matukoy ng PNP na gas leak explosion ang naganap na pagsabog.
Hindi pa pinangalanan ng PNP kung sinu-sino ang kanilang kakasuhan sa naturang insidente.
Magugunitang, nauna nang pumalag ang Ayala Land Incorporation sa planong pagsasampa ng kaso ng PNP kasabay nang pagsasabing imposible umano ang teoryang methane gas na humalo sa diesel fuel ang sanhi ng trahedya.
Sa panig naman ni Southern Police District (SPD) Director Chief Supt. Luizo Ticman, pinuno ng binuong Multi Agency Investigating Task Force (MAITF) na pangunahing nag-im bestiga sa Glorietta blast, sinabi nito na lahat ng ebidensya ay tumutukoy sa kapabayaan ng ilang organisasyon sa nangyaring pagsabog.
Naniniwala ang opisyal na malakas ang kanilang kaso laban sa mga personalidad na sasampahan ng asunto hinggil sa insidente.