Kritikal sa pagamutan ang isang estudyante makaraang paluin ng apat na beses ng martilyo sa noo at ulo ng kanyang kapitbahay dahilan lamang sa awayan sa pag-iigib ng tubig kamakalawa ng hapon sa Pasay City.
Inoobserbahan ngayon sa Pasay City General Hospital ang biktimang si Renato Villamor, residente ng 2514 Canoy St., M. dela Cruz, ng nasabing lungsod.
Nahaharap naman sa kasong frustrated murder ang suspek na si Marlon Belo, kapitbahay ng biktima matapos masakote ng mga rumespondeng tanod ng Barangay 133.
Nauna rito, nagkaroon ng mainitang pagtatalo at pag-aagawan sa pag-iigib ng tubig sa labas ng kanilang bahay ang biktima at ang suspek hanggang sa magkasuntukan sila. Naawat lang sila ng kanilang mga kapitbahay.
Pagkaraan ng ilang oras, nagtungo sa isang computer shop ang biktima pero sinundan pala siya ng suspek hanggang sa maabutan siya nito at hambalusin siya ng martilyo. (Rose Tamayo-Tesoro)