Mga ‘bagito’ o pinaniniwalaang gumardweyt na sa snatching ang ilang kabataan na bumuo ng holdup gang at ‘next level’ na ang pinapraktis matapos tangayan ng malaking halaga ng salapi at baril ang isang 47-anyos na negosyante, sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Sa tulong ng taumbayan, kinuyog at dinakip ang isa sa naabutang suspek na kinilalang si Jethro Virgo, 15, residente ng 116 A. Alfonso St., Balut, Tondo.
Pormal itong inireklamo ng biktimang si Ponciano Bautista Jr., residente ng 1144 Camba st., Tondo.
Batay sa ulat ni PO2 Rodolfo Yanguas ng MPD-Station 2, dakong 1:45 ng madaling-araw nang paligiran ng mga kabataang suspek ang biktima sa may panulukan ng Elcano at CM Recto Ave. sa Tondo.
Sa reklamo, sinabi ng negosyante na nakaupo siya at nagpapahinga sa upuan nang biglang paligiran siya ng mga suspek na armado ng hindi nabatid na kalibre ng baril.
Puwersahan umanong kinuha ang kanyang belt bag na naglalaman ng P200,000 cash. Nang makitang mayroon siyang kalibre .45 baril ay pinag-interesan ding tangayin ito bago nagsipagtakas.
Nang humingi ng saklolo ang negosyante, agad namang rumesponde ang taumbayan.
Isa lamang ang naa butan sa kanilang paghabol at matapos bugbugin ay binitbit sa presinto.
Nabatid na ang lugar ng Divisoria o mismong sa pinangyayarihan ang puntahan ng mga snatcher, mandurukot at holdaper subalit ang mga kabataan ay umakyat na sa next level, mula pandurukot o pamimitas ng alahas sa biktima, ay nanunutok na rin upang makapangholdap ng mas malaki ang halaga. (Ludy Bermudo)