Bar grinanada: 7 sugatan

Sugatan  ang pito katao matapos hagisan ng gra­nada ang isang bar ka­hapon ng madaling-araw sa Parañaque City.

Nag-aagaw buhay sa  pa­gamutan ang isa sa    biktima na si Mark Anthony Dimaano, 25, binata,anak ng isang pulis.

Ilan pa sa mga sugatan ay sina  Angelo Bautista, 25; Ma Catherine Escueta, 21; Jaime dela Cruz Jr.; Earl Patrick Diaz,  Rolando Patilla, 23; isang waiter  at Juan Paolo Cartagen, 28.

Tukoy na ng Paraña­que City Police  ang  may-ari ng itim na Nissan  Exalta na may plakang RSM-777,  na sinasakyan ng nang­hagis ng granada ma­tapos iberipika sa Land Trans­portation Office ang na­sabing  plate  number, kung saan lumitaw na pag-aari ng isang nagngangalang Rivero  Manabat, ng #1710 Remigio  St., Sta.  Cruz, Maynila.

Sa isinagawang imbes­tigasyon, dakong alas-12:30 ng madaling-araw nang maganap ang insi­dente  sa Rewind Music Lounge and Resto Bar na matatagpuan sa Doña So­ledad Ave. Brgy. Don Bosco ng nasabing lungsod.

Sa pahayag ng testi­gong si Jerome Daicing, 22,  nakatayo siya malapit sa naturang establisimi­yento, nang makita nito ang Nissan Exalta at Toyota Corolla model 96 na hindi nakuha ang plaka na huminto sa harapan ng naturang bar.

Dalawang lalaki ang lumabas mula sa mga nabanggit na sasakyan at  lumakad patungo sa bar at ilang saglit at bumalik ka­agad sa kanilang sasak­yan. Ilang sandali lamang isang lalaki ang nakita niyang bumalik at naghagis ng isang bagay kung saan kasunod na lamang ang malakas na pagsabog.

Nabatid na isang grupo lamang ang mga biktima na nag-iinuman sa loob ng ng bar  kung saan may hinalang ang puntirya  ng mga suspect ay ang anak ng pulis na si Dimaano. Isang granada ang sinasa­bing sanhi ng pagsabog .

Mabilis namang tuma­kas ang mga suspect ma­tapos ang insidente. (Lordeth Bonilla)

Show comments