Isang pulis, dalawa nitong anak at isa pang hinihinalang kilabot na tulak ng droga ang inaresto ng mga kagawad ng Quezon City Police District (QCPD) sa isang buy-bust operation kamakalawa ng gabi sa naturang lungsod.
Nakilala ang mga nadakip na si SPO1 Jesus Ordonio, nakatalaga sa QCPD-Station 7 (Cubao) at ang mga anak nitong sina Jessie, 27 at Jeffrey, 20. Nadakip rin sa operasyon ang sinasabing tulak na si Randy Guingab, 32.
Sa ulat ng QCPD-Station 10 (Kamuning), isang buy-bust operation ang kanilang isinagawa dakong alas-7 kamakalawa ng gabi sa Mapagbigay Street, Brgy. Pinyahan, matapos na makatanggap ng ulat ng talamak na bentahan ng iligal na droga.
Naaresto sa operasyon si Guingab matapos na magbenta ng isang plastis sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu. Nakumpiska rin sa posesyon nito ang tatlo pang pakete na may lamang puting pulbos.
Inaresto rin ng mga awtoridad ang magkapatid na Ordonio dahil sa presensya ng mga ito sa lugar habang isinasagawa ang buy-bust operation. Sinasabi na dito lumutang ang ama ng mga ito na pulis at pilit umano na inaarbor ang kanyang mga anak dahil sa hindi naman gumagamit ang mga ito ng droga.
Isang komosyon ang naganap hanggang sa mapilitan ang mga pulis na dakpin rin ang nakakatandang Ordonio.
Sa himpilan ng pulisya, itinanggi ni Ordonio ang ibinibintang sa kanya na inaarbor niya ang mga anak at lalong itinanggi nito na sangkot sa operasyon o gumagamit ng iligal na droga ang mga anak nito. (Danilo Garcia)