Nahaharap ngayon sa mas matinding gusot ang dating warden ng Manila City Jail matapos na iutos ng Makati City Regional Trial Court ang imbestigasyon laban dito dahil sa iligal na pagpapalaya sa isang Japanese national na nahaharap sa kasong “large scale illegal recruitment”.
Inatasan ni Makati RTC branch 138 Judge Alberico Umali si Bureau of Jail Management and Penology Chief Director Armando Llamasares na imbestigahan ang tauhan nitong si J/Supt. Renato Gacutan dahil sa pagpapalaya kay Hisaaki Suzuki, alyas “Aki”.
Base sa rekord, pinalaya si Suzuki mula sa Manila City Jail na nasa ilalim pa ni Gacutan bilang warden nitong nakaraang Oktubre 18 matapos na maglagak ng piyansa sa Manila Municipal Trial Court branch 2 at 21 kung saan kapwa may kinakaharap itong kaso.
Nabatid naman na may nakabinbin palang kaso ng large scale illegal recruitment na walang katumbas na piyansa si Suzuki. (Danilo Garcia)