‘Star Operation Damayan’ pa-Bingo, dinumog

Halos nagsiksikan na parang sardinas ang may mahigit 300 katao na sumuporta at nakibahagi sa isinagawang fund-raising project na pa-bingo ng Star Group Operation Damayan na ginanap sa Philippine Star building sa Port Area, Manila kama­kalawa ng hapon.

Dahil sa wala nang maupuan sa dami ng mga empleyado, kaanak at kaibigan ng Star Group of Publications, kasama pa ang mga dealers at agents ng diyaryo ay umupo na lamang sa sahig ang karamihan pero nag-enjoy na naglaro ng bingo hanggang sa matapos ito ng alas-5 ng hapon.

Ayon kay Emmie Cruz, coordinator ng Star Group Operation Damayan, ang malilikom na pera mula sa kikitain ng pa-bingo ay ilalaan sa may 200 batang kapus-palad at 83 mahihirap na pamilya.

Isang sorpresang Pamaskong Handog ang naghihintay sa naturang mga bata para sa nakatakdang gift-giving ng Star Group Operation Damayan sa isang piling lugar sa Metro Manila sa Disyembre 12.

Bukod dito, ilalaan din ang pondo na malilikom sa livelihood project para sa pangkabuhayan ng mga magulang ng mga bata kung saan tuturuan sila sa paggawa ng kandila o candle-making at rag-making. Lahat ng mga magagawang kandila at basahan ay ibebenta naman sa Star. Mula sa naturang palaro, parehong nanalo naman sa block-out bingo sina Gloria Cernechez, may-ari ng isang tindahan na katabi ng Star building at Fely Sison na asawa naman ng isang empleyado ng Star Printing na si Renante Sison. Paghahatian ng dalawang nabanggit ang P25,000 premyong inilaan para sa block-out bingo game.

Bukod sa tinapos na 10 game (P2,000 premyo kada game), mayroong ding special game na may premyong P3,000.

Laking tuwa naman ng mga sumali nang kusang magbigay si Mr. Miguel Belmonte, president at chief executive officer ng Star Group of Publications ng pa-raffle na P15,000 gift check ng Shopwise at nag-sponsor ng P10,000 cash. (Ellen Fernando)

Show comments