Napatay ang isang kilabot na holdaper makaraang magkamaling holdapin ang isang pulis at makipagpalitan ng putok dito, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Dead-on-the-spot ang suspek na si George Pingol, 30, residente ng San Vicente St., San Francisco del Monte sa nasabing lunsod.
Samantala, ginagamot naman sa Quezon City General Hospital (QCGH) ang biktimang si PO1 Felicito Mendoza nakatalaga sa QCPD Station 4 dahil sa tinamong tama ng bala sa kanyang hita.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-10 ng gabi sa Mindanao Extension sa kanto ng Lucaria St. Brgy. Talipapa ng nabanggit na lungsod.
Nabatid na naglalakad ang biktima nang harangin ng suspek na nakasakay sa motorsiklo saka tinutukan ng baril ang biktima.
Nabatid na nagdeklara ng holdap ang suspek matapos tutukan ng baril ang pulis subalit agad nabunot ng huli ang kanyang service firearm at pinaputukan sa iba’t ibang parte ng katawan ang una. Nabatid na nakapagpaputok din ng baril ang suspect na ikinasugat ng biktimang parak. (Angie dela Cruz)