Binurda ng saksak ang katawan ng isang lolo ng kanyang ampon kahapon ng umaga sa Quezon City.
Namatay noon din sanhi ng tinamong mga saksak sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktimang lolo na si Manuel Tamayo, 55, residente ng 68 Pantabangan St., NIA Village, Barangay Sauyo, Novaliches, Quezon City.
Nadakip naman agad at ngayon ay nakadetine sa Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), ang suspek na si Allan Salaño, 18, binata, walang trabaho ng naturan ding lugar.
Ayon sa imbestigasyon ng QCPD-station 3, dakong alas-7:20 ng umaga nang maganap ang krimen sa loob mismo ng bahay ng biktima.
Bago rito, naulinigan ng mga kapitbahay na nagtatalo ang biktima at ang ampon nitong binatilyo sa hindi nila malamang dahilan. Ilang sandali pa ay narinig nila ang pagpalahaw ng sigaw ng matanda na noon pala ay pinagsasaksak na ng ampon.
Mabilis na humingi ng tulong sa mga barangay tanod ang kapitbahay ng biktima na agad namang naaresto ang suspect. Hindi na nagawa pang isugod sa pagamutan ang matanda dahil agad itong namatay dahil sa mga tinamong saksak sa katawan.
Hindi pa malaman ng pulisya kung ano ang motibo sa krimen.