Driver kinatay ng nakaalit ng utol

Mistulang ginawang manok ang isang 23-anyos na pedicab driver matapos na butasin at pagsasaksakin ang leeg nito hang­gang sa mapatay ng nakaaway ng kanyang nakababatang kapatid sa Binondo, Maynila

Nakilala ang nasawi na si  Randy Grajo, alias “Abok”, ng Gate 4 Area 14 Parola compound, Binondo, Manila sanhi ng saksak sa kanyang leeg. Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na kinilalang sina Sandy Chavez, alias “Bay”, 23, at Jaymar Jumao-as alias “Jaymar”, 19, kapwa kapitbahay ng biktima na tumakas ma­tapos ang insidente.

Sa report ng pulisya, dakong 10:40 ng gabi ng maganap ang krimen sa isang makipot na eskinita sa Gate 64, Area H, Parola compound, Binondo, Manila.  Nauna dito, nagkaroon ng mainitang pagta­talo ang biktima at si Chavez hanggang sa umuwi sa kanilang bahay ang huli. Lingid sa kaalaman ng biktima ay bumalik pala si Chavez na armado ng kutsilyo at nilapitan ang una at walang sabi-sabing pinagsasaksak ito sa leeg na noon ay nakaupo sa isang upuang kahoy. Nagsilbing look-out naman si Jumao-as.

Nabatid na magkakapitbahay ang biktima at mga suspek at dating maganda ang kanilang samahan subalit nag-ugat ang awayan ng makabangga ng  kapatid ng biktima na si Mario Grajo si Chavez. (Grace dela Cruz)

Show comments