Hinatulan kahapon ng 20 habambuhay na pagkabilanggo ang kada miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na pawang akusado o responsable sa pagdukot sa mag-asawang American missionaries na sina Martin at Gracia Burnham at 18 iba pang mga biktima ng 2001 Dos Palmas kidnapping incident.
Ang nasabing hatol ay iginawad kahapon ng umaga ng Special Court na itinatag sa Camp Bagong Diwa, Taguig sa 14 na miyembro ng ASG kaugnay sa mga kasong kidnap for ransom at serious illegal detention na naganap sa Dos Palmas Resort sa Palawan noong March 27, 2001.
Kinilala ang mga hinatulang akusado na sina Abdulazzan Diamla, alyas “Abu Umbram” ; Daud Baru, alyas “Daud Daim”; Ahmad Baky Abdullah; Sonny Asali; Alzen Jandul; Bas Ismael; Habir Asari; Hamar Llias Ismael Jaafar; Marvin Vincent Rueca; Margani Iblong Hapilon; Tuting Hannoh; Adzmar Aluk; Guillermo “Wahid” Salcedo at Abu Khayr A. Moctar.
Bukod sa nasabing hatol, ang mga nabanggit na akusado ay pinagbabayad din ng korte ng mahigit sa P3.5 milyon bawat isa bilang exemplary damages sa kanilang mga naging biktima.
Batay sa 134-pahinang desisyon na ipinalabas ni Judge Lorifel Pahimna ng Taguig City Regional Trial Court, Branch 69, higit na kapani-paniwala ang positibong pagkilala sa mga akusado ng mga testigo na may kinalaman ang mga ito sa pagdukot sa mga biktimang sina Martin at Gracia Burnham at 18 iba pa habang ang mga ito ay nagbabakasyon sa Dos Palmas sa Palawan.
Wala aniyang nakikitang motibo ang korte na posibleng inimbento lamang ng mga saksi ang akusasyon sa nasabing 14 na ASG.
Samantala, apat sa mga kasamahan ng mga ito na kinilalang sina Radzmar Sangkula, Satra Tilao, Bashier Ordoñez at Bashier Abdul, ang pinawalang sala ng korte bunga ng kakulangan ng mabigat na ebidensiyang mag-uugnay sa kanila sa naturang kaso.