Sinibak na kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Avelino Razon Jr. ang officer-in-charge chief ng Makati City Police kabilang ang may 23 tauhan nito matapos na umano’y mabigo ang mga ito na gampanan ang kanilang tungkulin at mai-secure ang Makati City Hall of Justice kung saan isinasagawa ang pagdinig sa kaso ng Magdalo Group at magpabaya sa ginawang pag-walk-out ng mga huli hanggang sa makarating sa Manila Peninsula Hotel.
Bukod sa pagkakasibak ay nahaharap din sa kasong administratibo ang mga pulis-Makati.
Nabatid na iniutos kahapon ni Gen. Razon ang pagsibak kina Sr. Supt. Angel Sumulong, Makati Police OIC chief at mga tauhan nito kung saan sinabi pa ng naturang opisyal na naiwasan sana ang Manila Pen standoff kung naging responsable lamang sa kani-kanilang tungkulin ang mga kawani ng Makati Police.
“I ordered them removed from their posts because of their inaction when the walkout and marches were taking place. That inaction will be part of the investigation,” pahayag ni Razon sa panayam sa kanya.
Nilinaw pa ni Razon na ang Makati Police ang siyang unang dapat na nakapigil sa ginawang pag-martsa ng grupo nina Sen. Antonio Trillanes at kung naroroon umano ang pulis ay hindi na nakatuloy ang mga ito sa Manila Pen.
Bukod kay Sumulong kasama sa mga nasibak sina Insp. Geraldo Diño; SPO3 Carlos Mendibei; P03 Edwin Buenaventura, ng City Hall Detachment; Sr. Insp. Reycon Garduque; PO2 Rommel Salcedo at PO1 Globel Belarmino ng Police Community Precinct 8; SPO1 Noel Infante; PO1 Wilfredo Alvarez at PO2 Raul Del Rosario ng Mobile Patrol Unit; Sr. Insp. McVernon Manera, PO2 Reyne Baluyan at PO1 Bryan Hernandez ng Intelligence Division; SPO1 Enrique Fernandez at PO2 Jomerick Turiano, ng Explosive Ordnance Disposal Unit; Traffic Division Personnel na kinabi bilangan nina Sr. Insp. Gilberto Loteria, Insp Oscar Alicando; SPO4 Antonio Buctuan; SPO1 Mano Deveza; SPO4 Ronando Pilande; SPO2 Rogelio Valdenor; SPO1 Melchor Calooy; SPO3 Nestor Frias at PO3 Luisito Ordoñez.
Si Sr. Supt. Jaime Calungsod Jr., deputy chief ng Southern Police District Office (SPDO) ang siyang naatasan na mamuno sa isasagawang imbestigasyon.
Iginiit naman ni Sumulong na hindi nagpabaya sa tungkulin ang Makati Police. Hindi umano totoo na walang pulis-Makati na nasa area nang maganap ang insidente kung saan tinangka pa umano nilang pigilan ang grupo ni Trillanes subalit hindi sila nagtagumpay dahil na rin sa pawang armado ng matataas na kalibre ng baril ang mga ito.
Nangangamba umano ang mga pulis na mauwi sa karahasan ang pagpigil nila sa mga Magdalo soldiers na siya nilang iniwasan.
Tinawagan rin agad umano ni Sumulong si Calungsod na nagpayo naman na imonitor na lamang ang sitwasyon habang tatawag ito ng reinforcement.
Iginiit pa ni Sumulong na ang AFP ang siyang dapat na nag-kontrol sa mga rebeldeng sundalo ng Magdalo.