Sinalakay ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang travel agency na isa sa hinihinalang pinakamalaking “human trafficking syndicate” na nag-ooperate sa bansa at nagpapadala ng mga illegal overseas Filipino workers patungong Singapore kasabay nang pagkaka-aresto sa may-ari at ilang kawani nito kahapon sa Maynila.
Natimbog ng grupo ng NBI-Anti-Human Trafficking Division (AHTRAD) sa pamumuno ni team leader Agent Rex Solano ang tumatayong presidente ng Excellent Travel and Tours Inc. sa M. H. del Pilar, Ermita, Maynila na kinilalang si Luciano “Sunny” Lim at mahigit 10 kawani nito na karamihan ay kababaihan.
Naaktuhan naman ng mga NBI agents sa raid ang tatlong babaeng aplikante bilang domestic helpers at nakatakdang tumungo sa Singapore.
Ang nasabing pagsalakay ay isinagawa ng NBI matapos na magpalabas ng search warrant si Executive Judge Rosauro Cruz ng Manila Regional Trial Court Branch 173 kasunod ng may 3 buwang surveillance laban sa Excellent Travel agency.
Nauna rito, nagsampa ng reklamo sa NBI-AHTRAD ang isang Pinay domestic helper na dumating sa bansa kamakailan mula Singapore matapos na makadanas ng pagmamaltrato sa kamay ng kanyang amo at hindi pinasuwelduhan ng pitong buwan.
Bukod dito, isa pang Pinay ang nagsampa ng kaso laban sa Excellent Travel sa Manila Police District dahil din sa illegal umanong pag-recruit sa kanya patungong Singapore. Siya ay pinagbubugbog din ng kanyang among Singaporean at hindi binigyan ng sahod doon. Isiniwalat ng dalawang Pinay DH na kasabwat ng Excellent ang ilang ahente ng Bureau of Immigration (BI) na nakabase sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil tinuruan pa sila kung saan dapat pumila kung saan sila malayang nakapuslit palabas ng Pilipinas.
Nabatid sa mga nagreklamong OFWs na dadaan sila sa salary deduction basis kung saan ang pitong (7) buwang suweldo ng mga ito ay mapupunta sa recruitment agency. (Ellen Fernando)