Misis kinatay, itinapon sa ilog

Tadtad ng saksak sa ibat-ibang bahagi ng katawan at patay na nang matagpuan ang isang misis, kahapon ng umaga sa Las Piñas City. Kinilala ng pulisya ang biktima na si Melanie Jarlego, 37, at residente ng Sta. Cruz, Bernabe Compound,  Pulang Lupa Uno ng nabanggit na lungsod.

Batay  sa ulat, dakong alas-6 ng umaga nang madiskubre ang duguang bangkay ng biktima sa gilid ng ilog sa Sta. Cruz, Bernabe Compound, Las Piñas City. Nabatid na isang mangingisda na hindi nabanggit ang pangalan ang nakatagpo sa biktima habang duguan itong nakasubsob sa may gilid ng ilog sa nabanggit na lugar na siya namang nagbigay- alam sa himpilan ng pulisya.

Nabatid pa na kamakalawa  dakong alas-8 ng umaga nang magpaalam ang ginang sa kanyang anak na babae upang pumunta umano sa lalaking kapatid nito sa La Huerta, Parañaque  City. Ayon pa sa mga imbestigador, pinapaalis na sa kanilang tinitirhan ang pamilya ng ginang kung kaya’t nagpasya itong magtungo  sa kanyang kapatid upang humiram ng pera para may magamit sila sa kanilang paglipat.

Subalit simula kamakalawa ay hindi na umano nakabalik pa ang ginang sa pag-aakala na inakala ng  kanyang pamilya na doon lamang ito natulog   sa bahay ng kanyang kapatid.

Laking-gulat na lamang ng pamilya Jarlego nang malamang patay na ang biktima kung saan nawawala din umano ang bag na dala ng nasabing ginang nang magtungo siya sa kanyang kapatid. Nakakalap din ng impormasyon ang awtoridad na may alitan sa pagitan ng biktima at ng kanyang kinakasama na nakilala lamang sa alyas na “Dulcing” na patuloy ngayong pinapag-aralan kung may kinalaman sa pamamaslang sa una. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments