‘NBI agent’ timbog sa baril
Inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang isang 49-anyos na sekyu na nagpakilalang ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa panunutok ng baril sa San Andres Bukid,
Sumasailalim ngayon sa imbestigasyon sa MPD-Station 6 ang suspek na si Felix Esteban, may-asawa, security guard na nakatalaga sa NBI at residente ng Poblacion Norte, Mayantoc, Tarlac City dahil sa reklamo ni Fernando Nunez, 38, may-asawa, company driver ng Pepsi Bottling Corp. ng 163 Apitong St., Samata Village, Las Pinas City.
Ayon kay Supt. Frumencio Bernal III, hepe ng MPD-Station 6 (Sta. Ana) dakong 11:30 ng gabi habang minamaneho ng biktima ang kanyang Pepsi shuttle bus sa kahabaan ng South Superhighway, San Andres Bukid ng pagsapit sa Magallanes st., Makati City ay nakagitgitan nito ang isang dark green na Toyota Revo (WGX 472) na minamaneho ni Jun Sy, 42, negosyante, kasama si Esteban.
Kinompronta ng suspek ang biktima at nagpakilalang ahente siya ng NBI at tinutukan ng kalibre .38 si Nunez. Sa takot, pinatakbo ng biktima ang kanyang sasakyan pero sinundan pa rin siya ng dalawa.
Nakatawag sa atensiyon ng mga pulis ng MPD-San Andres Bukid Police Station ang mabilis nilang pagpapatakbo dahilan para sila sitahin at parahin. Lumilitaw na hindi naman pala NBI kundi isang sekyu sa NBI si Esteban. Sasampahan si Esteban ng kasong panunutok ng baril at grave threat. (Doris Franche)
- Latest
- Trending