Umakyat na sa lima ang bilang ng mga nasawi sa naganap na pagsabog sa Batasan Pambansa makaraang pumanaw na ang lalaking staff ni Negros Oriental Rep. Henry Teves matapos ang 16 araw na pagkaratay sa pagamutan.
Tuluyang nalagutan ng hininga sa loob ng St. Luke’s Medical Center dakong alas-5 ng umaga si Dennis Manila. Una nang naputulan ng kanang binti si Manila dahil sa tindi ng pinsalang natamo sa insidente.
Si Manila ang ikalawang staff ni Teves na nasawi matapos na mauna nang pumanaw si Bustaliño. Malubha ring nasugatan sa insidente maging si Rep. Teves. Nananatili namang nasa “intensive care unit (ICU)” ng paga mutan ang isa pang biktima na si Bercita Garcia.
Dumagdag si Manila sa apat pang nasawi sa pambobomba sa Kongreso nitong Nobyembre 13 na kinabibilangan nina Basilan Rep. Wahab Akbar, Marcial Talvo, Maan Gale Bustaliño at Julasiri Hayuduni.