Transport strike minaliit
Minaliit ng Allianced of Concerned Transport Organization (ACTO) ang transport strike ng mga miyembro ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) sa Maynila.
Ayon sa pangulo ng ACTO na si Efren de Luna, hindi pa napapanahon ang kilos-protesta dahil nasa proseso pa ng pag-uusap ng Malacañang at DOTC, MMDA at Metro Manila Mayors sa hanay ng transport groups ang kanilang demands tulad ng problema nila sa kotong at colorum vehicles.
Nagbigay naman si Pangulong Gloria Arroyo ng katiyakan na sa Disyembre 15 ay resolba na ang mga problema ng transport groups.
Pormal namang nagsisimula ang operasyon ng Anti-Kotong-Anti Colorum Task Force na binuo ng Malacañang para resolbahin ang naturang demands ng transport groups.
Napag-alamang nakikipag-usap na ang kinauukulan sa kanilang hanay hinggil naman sa usapin ng problema sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.
Sinabi ni de Luna na dapat ay hintayin muna ang magiging resulta ng pangako at kung hindi nila magugustuhan ang resulta ay dito pa lamang sila dapat na magplano para sa pag-arangkada ng transport holiday.
“Kung walang mangyari sa December 15 sa pangako ng Pangulo ay saka naman kami gagawa ng aksiyon kaugnay sa tigil pasada,” pahayag ni de Luna. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending