Naghihimas ngayon ng rehas na bakal sa Manila Police District (MPD) Police Station 8 ang isang miyembro ng PNP Traffic Management Group sa Camp Crame matapos nitong walang habas na paputukin ang kanyang baril habang sakay ng kanyang motorsiklo, kamakalawa ng gabi sa Sta. Mesa Manila.
Langung-lango pa sa alak nang bitbitin sa himpilan ng pulisya si PO2 Bernie Betenio, nakatalaga sa TMG sa Camp Crame ng isang Angel Agub, ng V. Mapa Street, Sta. Mesa.
Sinabi ni Agub sa kanyang reklamo na nag-iinuman sila ng kanyang mga kaibigan sa kanyang bahay nang mapansin nila si Betenio na nakasakay sa kanyang motorsiklo at nagpapaputok ng baril. Dala ng matinding kalasingan ay nawalan ng kontrol si Betenio sa kanyang motorsiklo at bumagsak sa harap ng bahay ni Agub. Pinagtulungan nila Agub at ng kanyang mga kasama na agawin ang baril ni Betenio at dinala siya sa istasyon ng pulis.
Sa istasyon ng pulisya, sinabi ni Agub na tinangka ng mga pulis na siya ang arestuhin dahil napagkamalang suspek sa isang krimen.
Inamin naman ni PO3 Jobe Jimenez, officer on case, na tinangka nilang arestuhin si Agub dahil gumagawa ito ng eksena sa loob ng istasyon ng pulisya pero itinanggi nilang pinoprotektahan nila si Betenio. Idinepensa naman ni Betenio na nakainom siya at nagpaputok ng baril para ipagtanggol ang kanyang sarili laban sa grupo ni Agub.
Bukod kay Betenio, sasampahan din ng kaso sa General Assignment Section ni Agub si Jimenez dahil sa pag-abuso nito sa kanyang tungkulin. (Doris Franche)