Habambuhay na pagkabilanggo ang inihatol ng korte sa isang babaeng tulak ng iligal na droga makaraang mahulihan ito ng P200 halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya noong 2006 sa Pasig City.
Sa siyam na pahinang desisyon ni Judge Abraham Borreta ng Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 154, pinagbabayad din nito ang akusadong si Marissa Castillo ng kabuuang halagang P900,000 danyos sa kanyang kaso.
Sa record ng korte, naaresto ang suspek ng Pasig police noong Nobyembre 2006 sa JB Miguel st. Brgy. Bambang nasabing lungsod matapos mag-positibo ang impormasyon hinggil sa iligal na gawain nito.
Nagpanggap na poseur buyer ang isa sa pulis at hawak ang marked money na halagang P200 ay kumuha ito ng shabu sa suspek.
Matapos makuha ang droga ay agad na sinunggaban ang suspek ng iba pang kagawad ng puilsya na nakapaligid sa lugar.
Depensa naman ni Castillo sa korte , bigla na lang umanong pinasok ng mga kagawad ng pulisya ang kanilang bahay at saka siya hinuli at wala naman umanong nakuhang droga sa kanyang pag-iingat.
Binalewala naman ni Judge Borreta ang depensa nito at mas binigyang timbang ang mga ebidensyang iprinisinta ng mga pulis na nagsagawa ng operasyon. (Edwin Balasa)