Timbog sa isinagawang entrapment operation ang isang tabloid reporter na nakilalang si Eric Enriquez, 37, ng weekly tabloid Brigada matapos na kikilan ang isang tauhan ng pulisya kahapon.
Ayon kay PO2 Alvin Caramancion madalas umano siyang hingan ng pera at kung anu-ano pa ng nabanggit na reporter para umano itigil na ang mga negative write ups laban sa kanya. Si Caramancion ay nakadestino sa Sta. Cruz police station ay nagsabing nag-ugat umano ang pambabanat sa kanya ng staff ng Brigada noong nakalipas na Agosto nang makaengkuwentro niya ang isang stallholder sa Quezon Avenue sa Quiapo, Maynila. Nabatid na ang stallholder na ito ay may koneksyon sa Brigada staff at dito na nagsimula ang mga negatibong write-ups laban sa kanya.
Regular na umanong humihingi sa kanya ng kung anu-ano si Enriquez para matigil na ang pagbanat sa kanya. Kahapon isang gun holster na naman ang hinihingi nito para umano sa kaarawan ng publisher ng Brigada.
Dito na nagsumbong sa kanyang superior ang pulis at inihanda ang en trapment laban sa reporter. (Nestor Etolle)