Inaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang doktor ng Armed Forces of the Philippines (AFP) matapos na ireklamo ng pambubugbog ng isang buntis na tumangging sumama sa kanya sa motel kahapon ng madaling-araw sa naturang lungsod.
Nasa balag ng alanganin ngayon ang suspek na kinilalang si Capt. Noel Tanabe, 37, binata, military doctor sa V. Luna Hospital, at residente ng #476 Ronquillo St. , Brgy. Caridad, Cavite City. Sinampahan si Tanabe ng kasong physical injuries ng buntis na si Siaria Junicio, 24, isang medical tech. student, ng Unit 22, N. Domingo St., San Juan City.
Sa ulat ng QCPD-Station 10, naganap ang insidente dakong alas-3 ng madaling-araw. Nabatid na gumimik ang dalawa kasama ang kaibigang si Carlo Ching sa Zirco Disco Bar sa Timog Avenue. Nang malasing ang suspek, niyaya umano nito na mag-motel si Junicio ngunit tumanggi ito. Dito na nagalit ang suspek at sinuntok sa tiyan at ibang bahagi ng katawan ang biktima sa kabila na alam nitong nagdadalan-tao ito. Hindi pa nakuntento ang suspek, kinuha pa umano nito ang cellphone ng biktima na Nokia N-72 at ibinalibag dahilan para mawasak ito. Inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa nadakip na doktor. (Danilo Garcia)