Inspeksyon sa malls at mga palengke pinaigting
Ipinag-utos kahapon ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa Bureau of Fire Protection (BFP) na magsagawa ng mahigpit na inspeksyon sa mga malls, shopping centers, at mga palengke upang matiyak ang kaligtasan ng publiko laban sa mga mapanganib na paputok at “Christmas lights”.
Sa direktibang inilabas ni DILG Acting Secretary Marius Corpus, inatasan nito si bagong talagang BFP Director Enrique Linsangan na libutin ang lahat ng pamilihan sa buong bansa upang mapababa ang kaso ng mga aksidente na dulot ng sunog dahil sa mga mababang kalidad na paputok at mga ilaw.
Iginiit ni Corpuz na dapat matiyak na sumusunod ang mga may-ari ng mall at mga tindero sa mga regulasyon ng BFP upang hindi na maulit ang mga sakuna tulad ng naganap sa isang mall sa Mindanao noong nakaraang taon na nagbuwis ng maraming buhay.
Bukod dito, sinabi ni Linsangan na titiyakin rin nila na walang magsasagawa ng testing ng mga paputok sa mga pamilihan, pagtiyak na may mga permits ang mga paninda, may mga fire exit ang mga malls, gumagana ang “smoke detectors” at iba pang gamit tulad ng fire extinguisher. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending