Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, nakaamba na naman umano ang panibagong pagtaas ng pasahe ngayong Disyembre sa kabila ng pangako ng pamunuan ng Federation of Jeepney Operators of the Philippines (FEJODAP).
Sinabi ni FEJODAP Chairman Zeny Maranan sa pagdinig sa Senado, wala silang magagawa sa ngayon pero kung magkakasundo sila ng Pilipinas Shell, mapipigilan na ang patuloy na pagtaas ng pamasahe.
May kasunduan umano ang FEJODAP at Shell na sa kanila sila aangkat ng kanilang gasolina kung saan may bawas na P3 bawat litro, pero hindi pa ito napa-finalize.
Sa kanyang pagdalo sa pagdinig ng Senate committee on trade and commerce, sinabi ni Maranan na wala din silang balak na sumama sa tigil-pasada o transport strike na isinusulong naman ng ilang grupo.
Ikinatwiran ni Maranan na kaya wala silang balak na sumama sa tigil-pasada dahil nakabinbin pa sa Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang ka nilang petisyon na magdagdag ng singil sa pasahe.
Hiniling naman ni committee chairman, Sen. Mar Roxas kay Sec. Angelo Reyes ng Department of Energy (DoE) na busisiin ang mga papel ng lahat ng mga gasoline companies para matiyak kung makatarungan ba ang patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.
Aniya, isa ito sa mga nakikita niyang susi para mapigilan ang patuloy na pagtaas ng pasahe na ginagawa naman ng mga gasoline companies dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.