Hindi pinayagang makalaya pansamantala sa pamamagitan ng piyansa ang suspek sa pamamaslang sa isang abogada at kliyente nito noong Huwebes sa loob ng isang sala ng Las Piñas Regional Trial Court matapos na sampahan ang una ng mga kasong murder at parricide sa nabanggit na korte.
Ang suspek na si Roberto Tubale, 53, negosyante, ay agad na sinampahan ng mga nabanggit na kaso matapos na madakip ito dakong alas-11 kamakalawa ng gabi ng mga tauhan ng Las Piñas City Police habang nagtatago sa bahay ng kanyang kamag-anak sa Signal Village, Taguig City.
Magugunita na nasawi habang nilalapatan ng lunas sa Perpetual Help Medical Center sanhi ng mga tama ng bala sa ulo ang biktimang sina Atty. Rebecca Basa, 57, residente ng Nakpil St, Talon Las Pinas City, samantalang ang kaniyang kliyente at misis ng suspect na si Lolita, 51, ay namatay din.
Nabatid na idinemanda ni Lolita ang kanyang mister dahil sa umano’y madalas na pananakit at panggugulpi sa kaniya ng huli. (Rose Tamayo-Tesoro)