Mag-bayaw kritikal sa kainuman
Agaw-buhay ang isang mag-bayaw matapos pagsasaksakin ng isang lalaking kanilang kainuman, dahil nagalit ang suspek nang sawayin na itigil na ang inuman kahapon ng madaling-araw sa Malabon City.
Kapwa ginagamot sa Tondo Medical Center (TMC) sanhi ng mga tinamong tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan sina Ernesto Lumbres, 39, may-asawa, at Jojie Salcedo, 24, binata, kapwa residente ng #13 Consuelo Street, Barangay Acacia ng nabanggit na lungsod. Tinutugis naman ng pulisya ang suspek na nakilala lamang sa pangalang Junior Lucas, kalugar ng mga biktima.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-2 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng mga biktima.
Nabatid na inimbitahan umano ng mag-bayaw ang suspek na mag-inuman na pinaunlakan naman ng huli. Dahil sa dis-oras na ng gabi at maingay ang suspek, na nakabubulahaw sa mga kapitbahay ay sinaway ito ng mga biktima at sinabing itigil na nila ang kanilang inuman.
Nagalit umano ang suspek sa mga biktima at bigla na lamang itong bumunot ng patalim at sinalakay ang magbayaw.
Mabilis na isinugod sa nabanggit na pagamutan ang mga biktima ng kanilang mga kasambahay. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending