Sabog ang ulo ng isang chess player nang ito ay mabaril at mapatay habang sugatan ang dalawang kapitbahay sa isang shooting incident sa Quezon City kahapon ng umaga.
Si Ariel Ancao, 28, laborer, ng Elgin St., Interville Subdivision, Brgy. San Agustin, Novaliches, Quezon City ay idineklarang dead-on-arrival sa Quezon City General Hospital bunga ng tinamong mga tama ng bala sa ulo.
Habang inoobserbahan naman sa Quezon City General Hospital ang mga kapitbahay ni Ancao na sina Amelia Orbe, 52 at Rolito Caraquil, 45, na kapwa tinamaan ng bala sa kanilang katawan.
Batay sa inisyal na ulat na isinumite ni PO3 Rey Hanin ng QCPD Station 4, naganap ang pamamaril bandang 8:10 ng umaga kahapon sa Elgin St., Interville Subd.
Lumilitaw sa imbestigasyon, nakaupo umano ang biktima na hawak pa ang chessboard habang nag-aabang ng kalaro nang basta na lamang sumulpot ang lalaki na nakasuot ng itim na jacket at binaril sa ulo si Ancao.
Sa pagtakas ng gunman ay nagpaputok pa ito ng baril at tinamaan sina Orbe at Caraquil bago sumakay sa nakaparadang Ford Fierra di kalayuan sa lugar ng pinangyarihan. (Angie dela Cruz)