Inaresto ng mga awtoridad ang mister na hinihinalang bumaril at nakapatay sa kanyang asawa at sa abogado nito sa loob ng court room sa Las Piñas City matapos matunton sa pinagtaguang bahay, kamakalawa ng gabi sa Taguig City.
Tinangka pang pumalag ng suspect na si Roberto Tubale, alyas Allan, 51, nang dakpin siya ng mga pulis habang papasok sa bahay ng kanyang pinsan sa Zone 6 Signal Village, Taguig dakong alas-11 ng gabi subalit kaagad siyang napagsalikupan ng mga awtoridad.
Nakumpiska ng pulisya sa suspect ang isang kalibre .45 baril na bagama’t may kaukulang lisensiya ay wala naman siyang maipakitang permit to carry.
Matapos dalhin sa headquarter ng pulisya ay tinangka pang saktan ng sariling anak si Tubale at mga galit na kaanak ng nasawing abogadang si Rebecca Basa subalit naawat kaagad ng mga pulis ang mga ito.
Mariin namang itinanggi ni Tubale ang pamamaslang sa asawang si Lolita at kay Atty. Basa bagama’t may ipinahiwatig siya sa pulisya na may hinala siya na may ibang lalaki sa buhay ng asawa kaya’t naghain na ng annulment case laban sa kanya.
Tumanggi rin ang suspect na magpasailalim sa paraffin test upang alamin kung nagpaputok siya ng baril at sinabing hihintayin na lamang niya ang kanyang abogado na magtatanggol sa kanyang kaso.
Batay naman sa imbestigasyon ng pulisya, matagal na panahon ang ginugol ni Tubale sa pagiging seaman at ibinunton niya sa kanyang asawang si Lolita ang pagkaubos ng kanilang kabuhayan kaya’t lagi nitong sinasaktan ang asawa hanggang sa magpasya ng makipaghiwalay at maghain ng annulment case ng kanilang kasal ang ginang.
Magugunita na hinihintay ng biktima at kanyang abogado ang pagsisimula ng pagdinig sa naturang kaso sa sala ni Judge Joselito Vibandor ng Branch 199 dakong alas-10:40 ng umaga kamakalawa nang sumulpot ang salarin at pinagbabaril sa ulo ang mga biktima bago naglakad lamang nang tumakas.
Kahapon ay sinampahan na ng pulisya ng kasong murder at parricide ang suspect.