Upang hindi na maulit ang trahedya noong nakaraang Pasko na ikinamatay ng isang 10-anyos na batang babae at ikinasugat pa ng iba pa ay ipinasara na ni Marikina City Mayor Ma. Lourdes Fernando ang lahat ng mini carnivals o peryahan sa nasabing lungsod.
Ayon kay Fernando, mula pa noong nakaraang araw ay ipinag-utos na niya sa City Engineering Office sa ilalim ni Engr. Alfonso Espiritu ang operasyon sa pagpapasara ng mga peryahan sa mga barangay ng Parang, Sto. Niño, Sta Elena, Jesus dela Peña at Marikina Heights.
Sa ginawa namang pag-iikot ni Espiritu, natuklasan nitong halos walang mga business permit ang mga nasabing mini carnival sa pamahalaang lungsod, halos lahat ng mga ito ay mga barangay permit lamang ang hawak, ayon sa City Engineering Office ay lumalabas na iligal.
Bukod dito lumalabas din sa ginawang inspeksyon ni Espiritu na ang mga carnival rides na itinayo sa mga peryahan ay pawang hindi dumaan sa mahigpit na inspeksyon ng kanilang sangay, ang mga rides ay mahalagang mainspeksyon para masigurado ang kaligtasan ng mga sumasakay dito.
Matatandaang noong Disyembre 25 ng nakaraang taon ay nasawi ang 10-anyos na biktimang si Katherine Diana Picandal, residente ng Cainta, Rizal matapos na makalas ang isang galamay ng octopus ride dahilan upang tumilapon ang mga sakay nito na halos mga bata.
Bukod sa pagkamatay ni Katherine ay malubha ding nasugatan ang may anim pang kabataan kabilang ang kapatid ng nasawi na si Kimberly. (Edwin Balasa)