Binaha ang ilang bahagi ng Metro Manila na nagdulot ng pagkaka-stranded ng libu-libong mga estudyante at mga commuters matapos ang malalakas na pag-ulan sanhi ng “cold front” kahapon ng umaga.
Sa report na nakalap kahapon ng tanggapan ni National Disaster Coordinating Council (NDCC) Executive Director Glenn Rabonza, naitala ang hanggang gulong na mga pagbaha sa mababang lugar sa Quezon City, Maynila at maging sa Pasay City.
Dakong alas-8:45 ng umaga ay na-monitor ang hanggang gulong na mga pagbaha sa kahabaan ng E. Rodriguez Boulevard, Araneta Avenue sa Quezon City; Quezon Avenue malapit sa Plaza Miranda sa Quiapo, Maynila.
Binaha rin ang southbound portion ng Efipanio delos Santos Avenue (EDSA) at Zamora St. sa Pasay City malapit naman sa Metropoint mall.
Samantalang maging ang bahagi ng Magallanes sa pinansiyal na distrito ng Makati City ay na-monitor rin.
Kabilang pa sa mga apektado ay ang ilang mga bahagi sa lungsod ng Maynila tulad ng kahabaan ng Dimasalang, España, Maceda, C.M. Recto Avenue, at iba pang parte ng Quiapo at Divisoria. Ang insidente ay nagdulot ng pagkaka-stranded ng libu-libong mga estudyante at mga commuters na halos walang masakyan at basang-basa sa malakas na pag-ulan.
Ayon sa PAGASA ang malalakas na pag-ulan na nararanasan sa Central at Southern Luzon, par tikular na sa Metro Manila ay hindi sanhi ng nagbabadyang bagyo kundi ng isang “cold front”. (Joy Cantos)