Dalawa katao ang nagpatiwakal dahil sa matinding paninibugho at sa sobrang kahirapan sa buhay sa magkakahiwalay na insidente sa Caloocan City kamakalawa.
Ang unang insidente ay naganap dakong alas-2 ng hapon, kung saan patay na nang matagpuan si Eduardo Herrera, 38. Nakatali ang leeg nito ng kanyang sinturon at nakasabit sa bintanang bakal ng kanilang bahay sa #240 P. Sevilla St., Santa Quiteria, ng nabanggit na lungsod nang makita ng kanyang kinakasamang si Sheilalyn Yabut.
Binanggit ni Yabut na bago ito naging madalas ang pag-aaway nila ni Herrera hinggil sa kanilang relasyon dahil na rin sa palagiang pagseselos ng huli. Maaaring ito umano ang dahilan ng isinagawa nitong pagpapakamatay.
Ang ikalawang insidente naman ay naganap dakong alas- 5:30 ng hapon sa #7227 L. Tullahan Road, ng nabanggit na lugar, kung saan natagpuan rin si Avalyn Casin “alyas Ava”, 38 sa naturang lugar, na nakatali ang leeg ng nylon cord at nakabitin sa bigang kahoy ng bahay. Ayon sa ilang kapit-bahay na hindi na nagpabanggit ng pangalan, lagi dumadaing ang babae sa sobrang kahirapan ng kanilang buhay.Natagpuan ng mga elemento ng SOCO-NPD ang isang suicide note sa paanan ng biktima na nagsasaad ng dinaranas nitong sobrang kahirapan sa buhay.
Iniimbestigahan pa ng pulisya kung may naganap na foul play sa dalawang insidente. (Lordeth Bonilla)