Matapos ang malagim na pagsabog sa South Wing ng Batasan Complex kung saan nasawi ang tatlo katao kabilang na si Rep. Wahab Akbar, iginiit kahapon ni Sen. Rodolfo Biazon ang mahigpit na pagbabantay sa mga mahahalagang lugar sa Metro Manila kabilang na ang oil depot sa Pandacan.
Kung target umano nang pambobomba ang buong gobyerno ay posibleng puwedeng maulit ang insidente sa ibang government facility.
Nakiusap din si Biazon na iwasan muna ang mga ispekulasyon kaugnay sa totoong dahilan nang pambobomba at hayaan na lamang muna ang isinasagawang imbestigasyon.
Inamin din nito na kinabahan siya nang marinig ang balita tungkol sa pagpapasabog sa Batasan Complex dahil naroon ang anak niyang si Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon.
Sinigurado naman ni Senate President Manuel Villar na hindi maapektuhan ng pagsabog ang trabaho ng Senado.
Naging kapuna-puna ang mahigpit na seguridad kahapon sa Senado at hindi na pinapayagang makapasok sa Senate ground ang mga public utility jeep o mas kilala sa tawag na orange jeep. (Malou Escudero)