Arestado ang isang miyembro ng “Sigue-Sigue Sputnik Gang” matapos na magpanggap itong bumbero upang manlinlang at makakolekta ng salapi sa mga business establishments para sa pagpoproseso ng Fire Safety Inspection Certificate (FSIC) sa Pasay City. Kasong usurpation of authority, falsification ng public document at estafa ang isinampa sa suspect na si Antonio Roda, 48; at residente ng #2042 Lakandula St., Tramo ng nabanggit na lungsod. Dakong alas-3 kamakalawa ng hapon nang arestuhin ang suspect sa loob ng Master Cook of Hongkong Inc., Restaurant na nasa Seaside Market, Diosdado Macapagal Boulevard, Pasay City.
Ayon sa biktimang si Maria Lyn Pascua, 27, accountant, residente ng 5052 Gen. Malvar, South Cembo, Makati City, unang nagtungo ang suspect sa kanilang establisimiyento at nagpakilala sa pangalang FO2 Noli Pineda ng Bureau of Fire and Prevention Unit ng Pasay City.
Pakay umano ng suspect na mag-inspection sa naturang restaurant na agad na hinanap ang dokumento para sa fire safety inspection certificate, permit to operate, mayor’s permit at iba pang papeles para sa naturang restaurant.
Nag-boluntaryo rin umano ang suspect na i-proseso ang mga dokumento para sa fire inspection safety certificate kapalit ang halagang P3,000 bilang kabayaran sa paglalakad ng mga naturang papeles.
Nagduda na umano ang biktima nang kunin nito ang ibang dokumento na wala namang kaugnayan sa pagkuha ng FSIC kung kaya’t agad na nakipag-ugnayan umano ang una kay SPO4 Artemio Dayangco ng Police Community Precinct (PCP) 1 upang beripikahin ang katauhan ng suspect.
Sa ginawang komprontasyon, napag-alaman mula kay Fire Marshall Junito Maslang, ang nagpakilalalang FO2 Noli Pineda ay iba sa tunay na FO2 Pineda na kanyang tauhan na naging daan para arestuhin ang pekeng bumbero. (Rose Tamayo-Tesoro)