Satellite office ng Manila City Hall, ikakalat

Pinasinayaan ni Manila Mayor Alfredo Lim kahapon ang ikatlong satellite office ng Manila City Hall sa Tayuman, Tondo, Maynila.

Ang pagtatayo ng panibagong city hall ay alinsunod na rin sa unang ipinangako ni Lim sa mga Manileño na mailapit ang kanyang tanggapan sa mga ito.

Layunin ng pamahalaang lungsod na maibigay ang direktang serbisyo sa mga mamamayan ng Maynila at upang mapabilis ang pagbibigay ng mga panganga­ilangan ng mga ito.

Sa ngayon ay mayroon ng dalawang naunang city satellite ang Manila City Hall na matatagpuan sa Dapitan at sa loob ng Tondo Sports Complex, kung saan simula umano ng buksan ito ay mayroon ng 3,000 Manileño ang naserbisyuhan nito.

Habang ang ika-apat na satellite ay itatayo naman  ngayong Disyembre, sa RASAC Sports Complex  sa panulukan ng Avenida Avenue at Alvarez Sta.Cruz, Maynila.

Ang mga nabanggit na tanggapan ay nagbibigay ng mga libreng palibing sa North at South Cemetery,  libreng burol, medical assistance program at door-to-door delivery services birth certificates, marriage contracts, death at iba pang mahahalagang dokumento na makukuha sa city hall..

Nais din ng pamahalaang lungsod na  maibalik sa mga mamamayan ang mga ibinabayad nilang  buwis   sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga nasabing serbisyo. (Grace dela Cruz)

Show comments