Inuman niratrat: 3 patay, 4 pa kritikal
Dumanak ang dugo sa masayang inuman ng isang grupo ng mga kalalakihan makaraang masawi ang tatlo katao, habang apat pa ang nasa kritikal na kondisyon matapos na pagbabarilin ang mga ito ng tatlong hindi mga nakikilalang suspek kamakalawa ng gabi sa lungsod
Dead-on-the-spot ang dalawang biktima na sina Alfredo Maglasang, 39, construction worker at Delfin Mahorenos, 64, kapwa naninirahan sa Anahaw Street, Amparo Subdivision, Barangay 179 ng nabanggit na lungsod habang hindi na umabot nang buhay sa San Lazaro Hospital ang kapitbahay ng mga ito na si Arnel Orilla, 24.
Patuloy namang inoobserbahan sa East Avenue Medical Center (EAMC) ang apat pang sugatan na sina Alberto Orilla, 20; Ryan Prawn, 23; Reden Prawn, 23; at Eustaquio Prawn, 54, pawang mga kapitbahay ng mga nasawi.
Kasalukuyan namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng tatlong suspek na mabilis na nagsitakas sakay ng isang Toyota Revo na walang plaka patungo sa Camarin,
Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-7:30 ng gabi sa harapan ng bahay ng isa sa mga biktima sa Anahaw St., Amparo Subd., Barangay 179, Caloocan City.
Masaya umanong nag-iinuman ang lima sa mga biktima nang bigla na lamang magdatingan ang tatlong suspek na nakasuot ng black jacket, jeans at bull cap, na pawang mga armado ng baril at walang sabi-sabing pinaulanan ng mga ito ng bala ang grupo habang si Eustaquio na nasa loob ng kanyang bahay ay nahagip ng bala at maging ang naglalakad na si Delfin ay nahagip din.
May palagay naman ang mga awtoridad na posibleng paghihiganti ang motibo sa naganap na pamamaril dahil bago ang insidente ay may nakaaway umano ang grupo ng mga biktima na isang grupo ng mga kalalakihan at posibleng iyon ang mga suspek.
- Latest
- Trending