Mag-syota bumangga sa kariton: 1 patay

Patay ang isang lalaki habang malubhang na­sugatan naman ang kasintahan nito makara­ang bumangga ang sinasakyan nilang motor­siklo sa isang kariton na puno ng buko, kahapon ng umaga sa Quezon City.

Nakilala ang nasawi na si Renato Banzon, ng Sitio Cogon, Brgy. North Fair­view, ng naturang lungsod, makara­ang ma­bagok ang ulo nito dahil sa kawalan ng helmet. 

Ginagamot naman ngayon sa East Avenue Me­dical Center ang nobya nitong si Jelane Peña­randa makaraang magtamo ng pilay at mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Pinag­hahanap naman ngayon ng pulisya ang magbu­buko na nag­tutulak ng kariton na siyang dahilan ng aksi­dente. Na­ganap ang insidente dakong alas-11:15 ng umaga sa tapat ng Our Lady of Mercy School sa Commonwealth Avenue.

Bina­bagtas ng mag­ka­sintahan sakay ng isang motor­siklo ang natu­rang kalsada nang bigla umanong tumawid ang isang magbubuko na tulak-tulak ang isang kariton.

Hindi na nagawang maiwasan ni Benzon ang kariton sanhi upang sumalpok sila rito at tumilapon sa kalsada.  Nabatid na walang suot na helmet si Benzon habang si Pe­ña­randa ay hindi napuruhan dahil sa ito ang pinag­ suot ng crash helmet. Agad naman na tumakas ang hindi nakilalang magbu­buko. (Danilo Garcia)

Show comments