Parak, 1 pa huli sa droga

Isa  na namang tauhan ng pu­lisya ang bumagsak ngayon sa kulungan matapos na ma­aresto kasama ang isa pang lalaki sa isang buy-bust opera­tion, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Nakilala ang nadakip na parak na si  PO1 Jeffrey Ca­tungal, 31, nakatalaga sa PNP-Headquarters Support and Ser­vices Unit sa Camp Crame at ang kasama nitong si Edgar Encila, 44, ng Brgy. Pi­nagkaisa­han, Quezon City.

Ayon sa ulat, naganap ang operasyon dakong alas-6 kama­kalawa ng gabi sa #25 F. Manalo Street, Brgy. Pinagkaisahan.

Na­batid na isang tip ang na­tang­gap ng pulisya buhat sa ka­nilang asset ukol sa iligal na ope­rasyon sa pagbebenta ng iligal na droga sa naturang lugar. Agad na nagsagawa ng operas­yon ang pulisya na ikinaaresto ng dalawa.

Itinanggi naman ni Catungal ang pag­kakasangkot nito sa operasyon sa iligal na droga.

Nabatid rin na may anim na taon na sa serbisyo si Ca­tungal kung saan inaalam rin QCPD ang iba pang kasama­han sa sindikato ng mga ito. (Danilo Garcia)

Show comments