Patay ang isang lola makaraang madurog ang katawan nito nang masagasaan ng isang shuttle bus, kamakalawa ng hapon sa Las Pinas City. Nakilala ang biktima na si Ceferina Magallona, biyuda at residente ng 70 T.S. Cruz, Almanza ng nabanggit na lungsod.
Agad namang sumuko ang driver ng nakasagasang shuttle bus na may plakang PYX-722 na si Nestor Garcia, 45,at residente ng 183 Manggahan St., Pamplona, Las Pinas City. Batay sa ulat , dakong alas-3:40 ng hapon nang maganap ang nasabing insidente sa harap mismo ng Las Piñas City Hall sa Alabang, Zapote Road.
Nabatid na nagbaba ng pasahero ang driver na si Garcia sa nasabing lugar at agad na pinaandar ang naturang shuttle bus dahilan upang hindi nito umano namalayan ang tumatawid na biktima.
Dahil dito at tuluy-tuloy na nasagasaan ng minamanehong sasakyan ng suspect ang biktima hanggang sa mapisak ang katawan ng huli. Nakatakda namang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide sa piskalya ng Las Piñas City ang driver ng nasabing bus. (Rose Tamayo-Tesoro)