Natagpuang patay at isinabit sa bakod ng simbahan ang kambal na sanggol na pinaniniwalaang itinapon ng kanilang magulang kahapon ng umaga sa Pasay City.
Batay sa isinagawang pagsisiyasat ni PO3 Joel Landicho ng Criminal Investigation Division (CID)-Pasay City, ang kambal na sanggol ay pawang mga lalaki at tinatayang nasa pitong buwan o pawang mga premature babies.
Ayon naman sa isang Elmer Tangale, 23, laborer, dakong alas-10 pa kamakalawa ng gabi, habang naglalakad siya patungo sa construction site ay napansin na niya ang isang paper bag na nakasabit sa bakod ng Evangelical Chapel na nasa 4th & 3rd Sts., Villamor Airbase, Pasay City.
Noong una ay hindi umano pinag-ukulan ng pansin ni Tangale ang nasabing supot, subalit kinaumagahan ay binalikan niya ito at dinala sa construction site.
Labis umanong kinilabutan si Tangale nang suriin ang laman ng nasabing supot at tumambad sa kanyang paningin ang kambal na sanggol na kapwa nakabalot pa sa diaper.
Agad namang ipinagbigay-alam ni Tangale sa pulisya ang pagkakadiskubre nito sa nasabing twin babies kung saan ay isang masusing imbestigasyon naman ang kasalukuyang ginagawa ng mga imbestigador upang alamin kung sino ang posibleng nag-iwan sa nasabing mga sanggol na isinabit pa sa bakod ng naturang simbahan. (Rose Tamayo-Tesoro)