Pawang kritikal sa pagamutan ang 3 electrician makaraang masunog ang mga ito nang madikit sa isang high voltage wire habang nagkakabit ng linya ng kuryente sa loob ng Amazing Philippine Theater, kahapon ng umaga sa Pasay City.
Patuloy pa ring inoobserbahan sa San Juan De Dios Hospital bunga ng 2nd degree burn sa katawan sina Romilo Gilboy, 24; Alex Jose, 51; at Michael Lumenda, 27.
Batay sa ulat, dakong alas-9 ng umaga nang maganap ang nasabing insidente sa ground floor ng Amazing Philippine Theater, Cultural Center of the Philippine (CCP) ng Pasay City. Nabatid na magkaakibat ang mga biktima ng instilasyon ng kuryente sa entablado nang aksidenteng masagi ng kanilang hawak na kawad ang high voltage wire na nakalawit sa kisame. Dahil dito, biglang sumabog ang linya ng kuryente at dumaloy sa katawan ng mga biktima ang malakas na boltahe na naging sanhi upang tuluyang higupin ang mga ito at masunog ang kanilang katawan.
Mabilis namang isinugod ang mga biktima sa nabanggit na pagamutan kung saan nasa malubha pang kalagayan ang mga ito. (Rose Tamayo-Tesoro)