Walo-katao ang iniulat na malubhang nasugatan makaraang sumabog ang tangke ng liquified petroleum gas (LPG), kahapon ng umaga sa Pasay City.
Kabilang sa sugatang biktima ay ang mag-asawang Ernie Gonzales at Shiela, mga kapitbahay na sina Jose Valenzuela, Jay-Ann Valenzuela, Ador Aquino, Mario Cabe, Maris Cabe, at isa pang hindi nakuha ang pagkikilanlan.
Sa inisyal na ulat na natanggap ni P/Senior Insp. Reynaldo Paculan, hepe ng Pasay PNP Criminal Investigation Division, nagpadeliber ng tangke ng LPG ang mag-asawang Gonzales sa kanilang bahay sa CAA compound sa Maricaban bandang alas-7 ng umaga.
Napag-alamang pinakiusapan ng mag-asawa, ang delivery boy na si Jonathan Dela Torre na ikabit ang tangke ng LPG sa kanilang kalan subalit tumanggi ito saka umalis sakay ng bisikleta.
Ayon sa ulat, si Ernie Gonzales, ang nagkabit ng LPG sa kalan subalit bigla itong sumingaw kaya kaagad nitong inilabas ng bahay.
Nagkataon namang may nag-iihaw ng ulam na kanilang kapitbahay sa labas kaya sumabog ang tangke ng LPG na nagresulta ng pagkasunog ng ilang parte ng katawan ng mga biktima.
Ayon naman kay P/Supt. Simon Gonzales, hepe ng Station Investigation and Intelligence Section, posibleng panagutin ang may-ari ng tindahan na nagbenta ng tangke ng LPG na may depekto. (Rose Tamayo-Tesoro)